
CAUAYAN CITY – Iniimbestigahan ng Naguilian Police Station ang anggulong personal sa pagbaril at pagpatay kahapon sa isang tricycle driver sa daan pagitan ng Minanga, Naguilian at San Luis, Cauayan City.
Matatandaan na pinagbabaril-patay kahapon si Severino Bayubay, 44 anyos, tricycle driver at residente ng Villa Luna, Cauayan City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Merwin Villanueva, hepe ng Naguilian Police Station, sinabi niya na may mga nakuha na silang impormasyon kaugnay sa krimen subalit tumanggi muna siyang magbigay ng anumang detalye para hindi maapektuhan ang kanilang pagsisiyasat.
Gayunman, personal ang nakikita nilang motibo ng suspek sa pagpatay sa biktima.
Ayon kay PCapt. Villanueva, walang planong buhayin ang biktima dahil sa dami ng tama ng bala na tinamo nito sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.
Apat aniya ang tama ng bala sa dibdib at tiyan ni Bayubay.
Nakakuha ang mga imbestigador ng apat na basyo ng Caliber 45 sa pinangyarihan ng pamamaril at may isa pang slug ng bala.










