--Ads--

Sinabi ng Malacañang na magiging maingat ang Pilipinas sa anumang posibleng kasunduan sa joint oil at gas exploration kasama ang China upang maprotektahan ang interes ng bansa.

Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro, sisiguraduhin ng pamahalaan na mapangangalagaan ang karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea sa kabila ng mga pag-uusap sa pagitan ng dalawang bansa.

Dagdag ni Castro na mananatiling tapat ang gobyerno sa anumang pag-uusap ngunit magiging maingat upang matiyak na walang maisasantabing interes ng bansa at ng mga Pilipino.

Nagkaroon ng paunang talakayan ang Pilipinas at China tungkol sa posibleng kooperasyon sa oil at gas exploration matapos ang sunod-sunod na pagpupulong ng dalawang bansa sa ika-24 na Foreign Ministry Consultations at ika-11 meeting ng Bilateral Consultation Mechanism on the South China Sea noong Marso 27 at 28 sa Quanzhou City, Fujian Province sa China.

--Ads--

Sa pahayag ng Department of Foreign Affairs, sinabi na may naging pag-usad sa ilang praktikal na hakbang kabilang ang paunang palitan ng ideya hinggil sa posibleng kooperasyon sa oil at gas at iba pang larangan.

Samantala, ayon kay maritime law expert Professor Jay Batongbacal ng University of the Philippines Institute for Maritime Affairs and Law of the Sea, mahalagang magkaroon muna ng tiwala at kumpiyansa sa pagitan ng dalawang bansa bago pumasok sa anumang kasunduan.

Aniya, dapat maging maingat ang Pilipinas sa pakikipag-usap sa China dahil sa mga naging karanasan at sa patuloy na tensyon sa West Philippine Sea.

Noong 2022, ipinahinto ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang oil at gas exploration sa ilang bahagi ng South China Sea na pinagtatalunan ng Pilipinas at China.

Muling napag-usapan ang posibilidad ng kooperasyon matapos sabihin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magiging hamon ang pagpapatuloy ng joint oil at gas exploration dahil sa umiiral na tensyon sa West Philippine Sea.

Sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon, patuloy na kinokondena ng Pilipinas ang umano’y ilegal na pagpasok at mapanganib na kilos ng mga barko ng China sa loob ng exclusive economic zone ng bansa sa West Philippine Sea.