Nakikipag-ugnayan ang pamahalaan ng Pilipinas sa India, Argentina, at Canada bilang posibleng alternatibong pagkukunan ng petroleum sa gitna ng pagtaas ng presyo ng langis dulot ng tensyon sa Middle East, ayon sa Malacañang nitong Biyernes.
Sa isang press briefing, tinanong si Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro hinggil sa contingency plans ng gobyerno, lalo na’t sinabi ng Iran na wala itong planong makipag-usap sa Estados Unidos—salungat sa pahayag ni US President Donald Trump na may nagaganap na negosasyon.
Batay sa impormasyon mula kay Energy Secretary Sharon Garin, sinabi ni Castro na nakikipagdayalogo na ang Pilipinas sa mga bansang hindi umaasa sa Middle East para sa suplay ng langis.
“Una sa lahat, magdasal tayo na magkaroon ng kasunduan at matapos ang sigalot. Kapag hindi agad ito natapos, malaki ang magiging epekto nito,” ani Castro.
Dagdag pa niya, ayon kay Garin, nag-iipon na ang bansa ng suplay at kasalukuyang nakikipag-ugnayan sa mga bansang tulad ng India, Argentina, at Canada, pati na rin sa iba pang hindi umaasa sa Middle East para sa kanilang suplay ng petroleum.
Ayon kay Castro, ginagawa ng pamahalaan ang lahat ng hakbang upang maiwasan ang “worst-case scenario.”
Sa tanong kung magkakaroon ng energy lockdown, sinabi niyang sa ngayon ay wala pang dahilan upang ipatupad ito.
Samantala, pinag-aaralan pa ng gobyerno ang posibleng pagpapatupad ng price freeze sa mga pangunahing bilihin.
“Hindi natin sinasabing hindi magpapatupad ng price freeze. Ito ay pinag-aaralan at kailangang balansehin upang hindi lamang isang sektor ang maapektuhan—dapat may balanse para sa oil industry at para sa taumbayan,” paliwanag ni Castro.











