--Ads--

Nakapagtala ng pinakamataas na kita sa kasaysayan ang Philippine Ports Authority (PPA) matapos umabot sa P30.09 bilyon ang kinita nito sa Fiscal Year 2025, ayon sa inilabas na unaudited financial report.

Mas mataas ito ng 8.86 porsiyento kumpara sa naitalang kita noong 2024. Dahil sa positibong performance, inaprubahan ng PPA Board ang dividend remittance na P5.33 bilyon—katumbas ng 52 porsiyento ng net earnings—alinsunod sa umiiral na batas na nag-aatas sa mga government-owned and controlled corporations na magbigay ng hindi bababa sa kalahati ng kanilang taunang kita sa pambansang pamahalaan.

Ipinaliwanag ng ahensya na ang pag-angat ng kita ay bunsod ng pagdami ng vessel traffic at cargo throughput, pagtaas ng storage revenues, mas matatag na regulatory income dahil sa mga isinagawang tariff adjustments, at paborableng foreign exchange gains.

Ayon kay PPA General Manager Jay Santiago, ang tuluy-tuloy na paglago ng kita ay magbibigay-daan upang mapondohan ang mga kasalukuyan at planong proyekto sa modernisasyon ng mga pantalan, na layong mapahusay ang kalakalan, logistics efficiency, at turismo sa bansa.

--Ads--

Ipinakita rin ng datos na mula 2016 hanggang 2024 ay halos dumoble ang kita ng PPA—mula P14.32 bilyon hanggang P27.64 bilyon—habang patuloy ring lumalago ang regulatory income sa parehong panahon.

Tiniyak ng pamunuan ng PPA na ipagpapatuloy ang pagpapatibay ng modern, sustainable, at episyenteng port infrastructure bilang ambag sa pangmatagalang pag-unlad ng ekonomiya.