--Ads--

Nasunog ang isang puting Ford Ranger o pick up truck habang binabaybay ang kahabaan ng National Highway sa Barangay San Fermin, Cauayan City, dakong alas-7:30 nitong umaga ng Huwebes, Oktubre 1, 2026.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay SFO2 Reagan C. Bernardo, Chief of Operations ng BFP Cauayan, nakatanggap sila ng tawag mula sa mga concerned citizen at agad na rumesponde sa lugar, kung saan malaki na umano ang apoy nang kanilang makita.

Ayon sa BFP Cauayan, minamaneho ng isang 46-anyos na Chinese national na kinilalang si Wang Yong ang sasakyan na bumabyahe umano mula Ilagan City patungong Santiago City nang mapansin nito ang usok na nagmumula sa likurang bahagi ng sasakyan.

Agad namang ipinagilid ni Wang ang sasakyan sa isang ligtas na lugar matapos mapansin ang patuloy na pag-usok nito. Dahil limitado umano ang kaniyang kaalaman sa Tagalog at English, humingi siya ng tulong sa mga taong nasa paligid ng isang gasolinahan.

--Ads--

Agad namang lumapit ang ilang concerned citizen at sinubukang apulahin ang apoy gamit ang fire extinguisher. Gayunman, hindi na umano kinaya ng fire extinguisher ang apoy kaya agad na ipinagbigay-alam sa Bureau of Fire Protection ang insidente.

Samantala, sinabi ni Bernardo na mahalagang masuri muna ang kondisyon ng sasakyan bago bumiyahe, lalo na kung malayo ang destinasyon.

Kabilang umano sa dapat suriin ang electrical system, langis at iba pang bahagi ng sasakyan upang matiyak na nasa maayos na kondisyon ang mga ito at maiwasan ang mga insidenteng maaaring mangyari habang bumibiyahe.

Idineklarang under control ang sunog at tuluyang naapula bandang alas-9:20 ng umaga. Wala namang iniulat na nasaktan sa insidente.

Samantala, sinubukan ng Bombo Radyo Cauayan na makapanayam ang may-ari ng sasakyan para sa kaniyang pahayag hinggil sa insidente, subalit tumanggi na itong magsalita pa.

Hindi pa natutukoy ang lawak ng pinsala sa sasakyan, habang ang naturang sasakyan ay ipauubaya na sa LGU para sa kaukulang aksyon at disposisyon. Patuloy naman ang imbestigasyon upang matukoy ang pinagmulan ng sunog.