Ibinahagi ng pamunuan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na sinimulan na ng Pilipinas at Hong Kong ang unang round ng negosasyon para sa Comprehensive Avoidance of Double Taxation Agreement (DTA).
Sa isang pahayag nitong Martes, sinabi ni BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr. na pinangunahan ng Philippine Negotiating Panel sa ginawang unang round ng pag-uusap para sa DTA kasama ang Hong Kong Special Administrative Region (SAR).
Ang delegasyon ng Hong Kong SAR ay pinamumunuan ng counterpart ni Lumagui na kinilalang si Inland Revenue Department Commissioner Benjamin Chan Sze-wai.
Nabatid na ang unang round ng mga negosasyon sa DTA ay ginanap mula Mayo 21 hanggang 23, 2025, sa Inland Revenue Center sa Kowloon, Hong Kong.
Sinabi ng BIR sa ang tatlong araw na talakayan ay muling pinagtibay ang pangako ng Pilipinas na palakasin ang pandaigdigang kooperasyon sa buwis, pagpapaunlad ng economic partnerships, at pagtiyak ng patas at pantay na pagbubuwis sa cross-border income.
Sinabi ng BIR na ang Philippine at Hong Kong SAR negotiating panels ay sumang-ayon na magdaos ng ikalawang round ng negosasyon sa isang komportableng petsa para malutas ang mga natitirang isyu at makumpleto ang kasunduan.











