--Ads--

CAUAYAN CITY – Hindi katanggap-tanggap ang hakbang ng China na magpatupad ng batas sa mismong teritoryo ng Pilipinas.

Ito ay kasunod sa pagpapatupad ng Tsina ng fishing ban at panghuhuli sa mga mangangahas na papasok sa inaangkin nilang mga Isla sa West Philippine Sea.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Chester Cabalza, Presidente ng  International Development and Security Cooperation, sinabi niya na isa itong paglabag sa United Nations Convention for the Law of the Sea o UNCLOS kaya’t kinakailangang magsampa ng kaso at magsagawa ng Diplomatic Protest ang bansa.

Aniya, ang hakbang na ito ng China ay pananakot lamang sa mga Pilipino subalit hindi umano nito masisindak ang mga mangigisdang Pilipino na nais lamang na maghanap-buhay.

--Ads--

Dapat ay nakaantabay anya ang Philippine Coast Guard sa West Philippine Sea upang umagapay sa mga mangingisda pagsapit ng Hunyo.

Giit ni Dr. Cabalza, dapat sukuan na ng Tsina ang Bajo de Masinloc at iba pang isla sa West Philippine Sea dahil pag-aari naman talaga ito ng Pilipinas.

Aniya, huwag dapat matakot ang mga Pilipino at patuloy na ipaglaban ang mga teritoryo nito dahil kapag nakuha ng China ang mga pinag-aagawang Isla ay sunod na nitong aangkiinin ang iba pang Isla ng bansa.