Opisyal nang napiling maging host ang Pilipinas ng isang world-class pole vault tournament na gaganapin sa Ayala Triangle Gardens, Makati City mula Setyembre 20 hanggang 21, 2025.
Ayon kay Filipino pole vault star Ernest John “EJ” Obiena, isa ito sa kanyang mga matagal nang pangarap—ang mailapit sa mga kababayan ang isa sa mga pinakaprestihiyosong paligsahan sa pole vault na karaniwang ginaganap sa Europa at iba pang bahagi ng mundo.
“Matagal ko nang gustong magkaroon ng ganitong klaseng tournament sa Pilipinas. Ngayon, isang pangarap ang natupad,” ani Obiena sa isang panayam.
Ang tournament proper ay itinakda sa Setyembre 21, at ito ay opisyal na kinikilala o sanctioned ng World Athletics, pati na rin ng Asian Athletics Association at ng Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA).
Inaasahan na lalahok sa torneo ang ilan sa pinakamalalaking pangalan sa larangan ng pole vault, kabilang ang mga world record holders, Olympic medalists, at top-ranked athletes mula sa iba’t ibang bansa.
Ayon sa organizers, magsisilbing exhibition at qualifying event ang torneo para sa mga international competitions gaya ng World Athletics Championships at posibleng maging bahagi rin ng Olympic qualifying series.
Magkakaroon din ng mga side events sa Setyembre 20 gaya ng meet-and-greet kay EJ Obiena, fan interactions, pole vault clinics, at youth engagement programs upang mas lalong mapalaganap ang kaalaman at interes sa athletics, partikular sa pole vaulting.
Layunin ng event na mapalakas ang interes ng mga Pilipino sa track and field sports, at maipakita ang kakayahan ng bansa na mag-host ng world-class athletics competitions.
Si Obiena ay kasalukuyang isa sa top pole vaulters sa buong mundo at inaasahang magiging pangunahing bituin sa torneo, na posibleng magsilbing inspirasyon sa mga batang Pilipinong nangangarap na makipagtagisan sa larangan ng international athletics.











