--Ads--

Nanganganib muli ang Pilipinas na mapabilang sa grey list ng Financial Action Task Force (FATF), bagama’t nagsasagawa ang mga awtoridad ng mga hakbang upang mapanatili ang nagawang pag-unlad sa reporma laban sa money laundering at counter-terrorism financing (AML/CTF).

Ayon kay Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Eli Remolona Jr., nananatiling may kahinaan ang bansa sa aspetong ito, lalo na’t may kasaysayan ang Pilipinas sa exposure sa money laundering, kahit na naalis ito sa FATF grey list noong 2025.

Binigyang-diin ng BSP chief na ang pagpapanatili ng magandang katayuan ng bansa sa FATF ay mangangailangan ng tuloy-tuloy na pagsisikap sa loob ng ilang taon, hindi lamang pansamantalang solusyon.

Aniya, mahalaga na maipakita ng mga regulator at enforcement agencies na aktwal na naipapatupad ang mga reporma sa ground level, hindi lamang nakasulat sa mga polisiya.

--Ads--

Naalis ang Pilipinas sa FATF gray list noong Pebrero 2025 matapos matugunan ang mga strategic deficiencies sa AML/CTF framework, kabilang ang mas mahigpit na supervision, pinahusay na enforcement, at mas maayos na koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya.