Target ng Pilipinas na makapagtakda ng 11 bagong loan agreements na nagkakahalaga ng $2.41 bilyon o katumbas ng 371.31 bilyong Japanese yen sa ilalim ng fiscal year 2026 ng Japan.
Ayon kay Frederick Go, popondohan ng mga planong kasunduan ang mga prayoridad na proyekto na nakahanay sa infrastructure program ng pamahalaan. Aniya, ipinapakita nito ang patuloy na pagkakatugma ng mga prayoridad sa imprastraktura at ng development support ng Japan sa isang joint meeting ng mga negosyanteng Pilipino at Hapones noong Huwebes.
Bago matapos ang fiscal year 2025 ng Japan sa Marso, target din ng pamahalaan na malagdaan ang tatlo pang loan agreements na nagkakahalaga ng $1.58 bilyon o 243.31 bilyong yen. Ang mga pautang na ito ay ipagkakaloob ng Japan International Cooperation Agency (JICA).
Kabilang sa mga pangunahing proyektong sinusuportahan ng Japan ang Metro Manila Subway at ang Central Mindanao Highway na layong mapabuti ang regional connectivity at logistics ng sektor ng agrikultura. Nitong unang bahagi ng buwan, inanunsyo rin ng Japan ang bagong P8.1-bilyong loan para sa rehabilitasyon ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3).





