CAUAYAN CITY- Magsisimula na ang pilot implementation ng strenghtened senior high school sa Cauayan City Stand Alone Senior High School simula ngayong School year 2025-2026.
Ang nasabing paaralan ay ang kaisa-isang napiling mag i-implementa ng bagong curriculum sa lahat ng pampublikong paaralan sa lungsod ng Cauayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. John Mina, School Principal, sinabi niya na mula sa dating tatlong track na HUMSS, STEM, at ABM, gagawin na itong Academic Track at Technical Professional Track.
Inaasahan naman na mula sa 17 subjects ng mga estudyante ay magiging 5 subjects na lamang ito, at mayroon namang pagkakataon na pumili ng elective subjects ang mga estudyante naaayon sa gusto niyang career o kurso sa kolehiyo.
Ang tatlong strand na mayroon ang paaralan sa old curriculum ay na cluster na at ang mga in-coming grade 11 students na dati nang nag enroll sa HUMSS at ABM ay ililipat na sa Academic track.
Ayon pa kay Dr. Mina, nagkaroon na ng exam o pagsusulit ang mga estudyante at ilalagay sila sa track na naaayon sa resulta ng kanilang exam.
Dahil ito ang unang taon na magkakaroon ng pilot implementation ng strenghtened senior high school, tanging mga grade 11 students lamang ang nakapaloob dito dahil old curriculum ang hawak ng mga grade 12.
Ang kagandahan pa umano ng new curriculum ay hindi na 5-days na klase kundi 4 days na lang simula Lunes hanggang Hwebes, mas maganda ito kung ikukumpara sa old curriculum.
Samantala, inalis naman ang agam agam ng mga guro na posibleng matanggalan sila ng trabaho dahil pinaliit na ang subjects at track sa bagong curriculum.
Dagdag pa ni Dr. Mina, hindi apektado rito ang mga guro dahil sa 45 na guro sa strenghtened senior high school ay kulang pa ito dahil kailangan pa ng mga hahawak sa Science subjects .
Sa katunayan, mayroon nang schedule at list of learners na ibinigay sa mga guro bilang paghahanda sa pasukan.










