Pinapamahaging binhing palay, nabunyag na ginagawang bigas
CAUAYAN CITY- Nabunyag na may ilang magsasaka na tumatanggap ng mga binhing palay mula sa mga rehab seed mula sa pamahalaan na pinakiskis upang maging bigas.
Ito ang ibinunyag ng naging saksi ni Punong-Barangay Florante Baysa ng Barangay Bintacan, Ilagan City sa pagpapatuloy ng pagdinig ng kanyang kasong administratibo na iniharap laban sa kanya ni G. Rommel De Guzman.
Sa pagtatanong ni Sangguniang Panlunsod Member June Monterial, nabunyag noon umanong makuha ni De Guzman ang isang sakong palay ay iniwan umano sa kanyang hipag na testigo ngayon ng barangay kapitan at dito isinama sa ipina-kiskis.
Ikinatuwiran ng testigo na kinakailangan na umanong ipakiskis dahil tiyak na hindi na tutubo dahil marami ng kuto.
Sa panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni G. Rommel De Guzman na wala siyang ipinakiskis na binhing palay dahil wala naman anya siyang natanggap
Sinasabi niya na pineke lamang ang kanyang lagda ngunit walang naibigay para sa kanya.
Ang magkabilang panig ay binigyan ng 10 araw na magharap ng kanilang karagdagang pahayag bago magpasya ang panlunsod na konseho sa loob ng susunod na 30 araw .




