Nasungkit ni Filipina tennis star Alex Eala ang kampeonato sa WTA 125 Birmingham Open matapos talunin si Czech player Nikola Bartunkova sa isang matinding tatlong set na laban, 5-7, 6-3, 7-5, ngayong Linggo.
Nagpakita ng katatagan si Eala matapos mabigo sa unang set, kung saan nanaig si Bartunkova sa dikit na iskor na 7-5.
Bumawi naman ang Pinay netter sa ikalawang set at nagpakitang-gilas upang makuha ito sa iskor na 6-3, dahilan upang maitulak ang laban sa deciding set.
Sa ikatlong set, unang nakalamang si Bartunkova, 2-1, ngunit mabilis na nakarekober si Eala at nagwagi sa tatlong sunod na laro upang maagaw ang kalamangan, 4-2. Nagawa pang makahabol ng Czech player at maitabla ang laban sa 5-5.
Sa mga huling sandali ng laban, matagumpay na nedepensahan ni Eala ang kanyang serve para sa 6-5 na abante bago tuluyang nabreak ang serve ni Bartunkova sa sumunod na laro upang maselyuhan ang kampeonato.
Ito ang ikalawang WTA 125 title ni Eala matapos din niyang masungkit ang kampeonato sa Guadalajara 125 tournament noong Setyembre ng nakaraang taon.











