Naglunsad ng preparasyon ang Luna Police Station upang maiwasan ang anumang kaso ng pagkalunod sa bayan ngayong papalapit ang summer vacation.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Jonathan Ramos, ang Chief of Police ng Luna Police Station, sinabi niyang isa sa mga hakbang ng istasyon ang pagpapakalat ng mga force multiplier at uniformed personnel sa tabing-ilog upang mabantayan ang mga bisita at residente. Kasama rin sa plano ang paglalagay ng tarpaulin at warning signs sa mga delikadong bahagi ng ilog, partikular sa mga lugar na biglang lumalalim.
Batay sa tala ng pulisya, karamihan sa mga naitalang kaso ng pagkalunod ay kinasasangkutan ng mga bisita na hindi pamilyar sa ilog.
Layunin ng Luna Police Station na magkaroon ng zero drowning incidents sa darating na summer season sa pamamagitan ng mas mahigpit na pagbabantay at pagbibigay impormasyon sa publiko tungkol sa ligtas na paggamit ng ilog.











