CAUAYAN CITY – Inaasahang bubuo ngayon ang Isabela Police Provincial Office (IPPO) ng Special Investigation Task Group (SITG) para sa ibayong pagsisiyasat sa pagbaril at pagpatay noong gabi ng Lunes, July 01,2019 kay dating Liga ng mga Barangay Federation President Napoleon “Nap” Hernandez sa San Mateo, Isabela.
Matatandaang binabagtas ng minamanehong kotse ni Hernandez ang daan sa barangay Dagupan, San Mateo nang barilin siya ng mga suspek na sakay ng motorsiklo.
Mayroon nang natukoy na dalawang person of interest pero hindi pa mailalantad ng pulisya ang kanilang pagkakilanlan hangga’t walang matatag na ebidensiya laban sa kanila.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PCol. Mariano Rodriguez, panlalawigang director ng IPPO na inatasan niya si PMajor Jeffrey Raposas, hepe ng San Mateo Police Station na puspusan ang gagawing imbestigasyon sa nakuhang lead o gabay sa pagpatay kay Hernandez batay sa mga nasuring CCTV footages.
Ipinaliwanag ni PCol. Rodriguez na ang pagbuo SITG ay ginagawa ng PNP 24 oras pagkatapos ng krimen kung wala pang malaking resulta ang imbestigasyon ng pulisya.
Ang SITG aniya ay bubuuin ng iba pang law enforcement unit tulad ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Ayon kay PCol Rodriguez, ang anggulong may kinalaman sa pulitika ang tinututukan sa pagsisiyasat sa pagpatay kay Hernandez.
Posible aniyang magsasagawa rin ng imbestigasyon ang National Bureau of Investigation (NBI) kung hihilingin ng pamilya ni dating Board Member Hernandez.
Inatasan din niya ang mga hepe ng pulisya na bantayan ang mga lokal na ehekutibo sa kanilang nasasakupang lugar na may banta sa kanilang seguridad.
Ang bawat local chief executive aniya ay maaaring mabigyan ng dalawang police escort.