CAUAYAN CITY- Inatasan ng pamahalaang lungsod ng Cauayan ang kapulisan na paigtingin ang pagbabantay sa mga pangunahing entry at exit points ng lungsod upang mapigilan ang pagdaan ng mga sasakyang may kargang iligal na troso.
Ayon kay Vice Mayor Benjie Dy III, nakatanggap ang kanyang opisina ng ulat na tuwing madaling araw ay may mga dumadaang illegal loggers na gumagamit ng vertical clearance sa mga daanan upang makalusot.
Sa impormasyon, itinataas umano ng mga ito ang nakalagay na vertical clearance bar upang makadaan ang mga sasakyang may kargang kahoy.
Bagama’t walang naitatalang aktwal na insidente ng pagpuputol ng kahoy sa mismong nasasakupan ng lungsod, ikinaalarma pa rin ito ng bise alkalde dahil nagagamit ang Cauayan bilang transit point ng mga pinupuslit na troso.
Bilang tugon, nakipag-ugnayan na ang lokal na pamahalaan sa iba’t ibang ahensiya upang mas mapaigting ang pagbabantay sa mga daan na posibleng gamitin sa ganitong uri ng paglabag.
Target ng hakbang na ito na maprotektahan ang integridad ng lungsod at maiwasan ang pagdawit sa mga aktibidad na labag sa batas.











