Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na ligtas at handa kanilang hanay para sa pagbibigay ng seguridad para sa ika-apat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa darating na Lunes, Hulyo 28.
Ayon kay PNP spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo na mahigit 3,000 pulis ang unang naitalaga ngayong Sabado sa mga kritikal na lugar sa Quezon City, kabilang ang kahabaan ng Commonwealth Avenue, IBP Road, at mula Sandiganbayan hanggang Litex.
Pahayag ni Fajardo handang-handa na ang pulisya at naka-skeletal deployment na ang kanilang mga personnel para sa SONA habang ang full deployment naman ay isasagawa sa madaling araw ng Hulyo 28, kung saan buong puwersa ng PNP ang ipapakalat.
Ayon sa PNP, kabuuang 12,000 pulis ang ide-deploy sa araw ng SONA para tiyakin ang seguridad sa paligid ng Batasang Pambansa, ang venue ng talumpati ng Pangulo.
Tiniyak din ng PNP na sa kasalukuyan ay walang natatanggap na seryosong banta kaugnay ng nasabing aktibidad. Gayunman, hindi umano sila nagiging kampante at tuloy-tuloy ang koordinasyon nila sa AFP at iba pang law enforcement agencies para agad maagapan kung may bantang lilitaw.
Kasabay nito, ipinatutupad na rin ang mga anti-criminality measures gaya ng police checkpoints at ang aktibasyon ng Task Force Manila Shield, na layong mapanatili ang kaayusan bago at sa mismong araw ng SONA.
Samantala, inanunsyo ng pamahalaang lungsod ng Quezon City ang suspensyon ng klase sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan sa lungsod sa Hulyo 28. Kasabay nito, ipatutupad rin ang liquor ban sa parehong araw.
Nagpaalala rin ang lokal na pamahalaan sa publiko ukol sa mga road closure sa lungsod na inaasahang magdudulot ng epekto sa daloy ng trapiko at biyahe ng mga commuters.











