Paiigtingin ng Philippine National Police (PNP) ang information drive laban sa pagbebenta ng smuggled at iligal na sigarilyo sa mga sari-sari store sa buong bansa.
Inatasan ni PNP Chief Jose Melencio Nartatez Jr. ang lahat ng hepe ng pulisya na makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at opisyal ng barangay upang palakasin ang kampanya sa pagpapalaganap ng impormasyon, kasunod ng mga ulat na laganap ang bentahan ng smuggled cigarettes sa maliliit na tindahan.
Ayon kay Nartatez, kailangang maunawaan ng mga may-ari ng sari-sari store na nagiging bahagi sila ng supply network ng mga sindikato kapag pumayag silang magbenta ng mga iligal na produkto. Bahagi ng information drive ang pagtukoy sa mga brand ng smuggled at iligal na sigarilyo upang magsilbing gabay sa mga tindero at mamimili.
Nauna nang nagbabala si Jonvic Remulla na magsasagawa ng mga raid sa mga pampublikong pamilihan at maliliit na retailer bilang bahagi ng kampanya laban sa iligal na sigarilyo. Kaugnay nito, binigyan ng isang linggong palugit ang mga nagbebenta upang itigil ang distribusyon at maubos ang kanilang paninda bago simulan ang mas mahigpit na operasyon.
Nanawagan ang PNP sa publiko, lalo na sa mga may-ari ng maliliit na tindahan, na makipagtulungan at agad isumbong sa mga awtoridad ang anumang impormasyon hinggil sa bentahan ng smuggled na sigarilyo sa kanilang lugar.











