Inihayag ni Gov. Rodito Albano na mas mababa ang inilaang pondo ng pamahalaan sa Cabagan-Sta. Maria bridge kaysa sa kailangang pondo sa paggawa ng tulay.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Gov. Rodito Albano, sinabi niya na dinisenyo anya sa Japan ang naturang tulay at kinakailangan dapat ng 1.8 billion pesos para magawa ito ng maayos.
Gayunman ay nasa 800,000,000 pesos lamang ang inilaang pondo ng pamahalaan na malayong mas mababa aniya kaysa sa kinailangang pondo para sa paggawa sa tulay.
Dagdag pa niya na dahil galing Japan ang disenyo ng tulay ay nag-alok na rin umano noon ang nasabing bansa na sila ang magpre-fab sa mga bahagi nito at ia-assemble nalang sa Pilipinas.
Subalit inihayag umano ng contractor na kaya nila itong gawin sa pilipinas sa mas murang halaga.
Hindi lang dapat aniya truck driver ang kailangang mapanagot sa pangyayari kundi lahat ng mga posibleng sangkot pati na ang paggawa ng disenyo.
Umaasa naman siya na muling malaanan ng pondo ang tulay para sa pagsasaayos o muling paggawa ng nasabing tulay.
Handa rin si Isabela Gov. Albano na humarap sakaling magsasagawa ng pagsisiyasat ang senado kaugnay pagbagsak ng tulay upang isiwalat ang kaniyang mga nalalaman kaugnay sa paggawa nito.











