Binatikos ni Pope Leo ang banta laban sa mamamayan ng Iran bilang hindi katanggap-tanggap, ilang oras matapos maglabas ng pahayag si U.S. President Donald Trump na maaaring mamatay ang isang buong sibilisasyon sa gagawing pag-atake.
Ayon kay Pope Leo, bukod sa mga isyu sa international law, ang sitwasyon ay isang moral na usapin para sa kapakanan ng mga tao sa buong mundo. Bihira ang pagkakataon na direktang tumugon ang Santo Papa sa pahayag ng isang pinuno ng mundo, lalo na bilang lider ng 1.4 bilyong Katoliko.
Sa nakalipas na mga linggo, mas naging bukas si Pope Leo sa kanyang kritisismo sa digmaang U.S.-Israel laban sa Iran. Noong nakaraang linggo, nanawagan siya kay Trump na humanap ng paraan upang wakasan ang labanan.
Sa Castel Gandolfo, Italy, hinikayat ng Santo Papa ang mga mamamayan sa buong mundo na makipag-ugnayan sa kanilang mga kinatawan sa pamahalaan upang itaguyod ang kapayapaan at wakasan ang lumalalang hidwaan sa rehiyon. Binigyang-diin niya na maraming tao ang tumutukoy sa digmaan bilang hindi makatarungan, na laban sa mga aral ng Simbahang Katolika ukol sa pagpapahalaga sa buhay.
Pinayuhan din niya ang lahat na isaisip ang kapakanan ng mga inosenteng bata, matatanda, may sakit, at iba pang mga taong biktima o posibleng maging biktima ng patuloy na digmaan. Binalaan din ni Pope Leo na ang mga pag-atake sa sibilyang imprastraktura ay labag sa international law, habang nagbanta si Trump na sisirain ang lahat ng tulay at planta ng kuryente sa Iran.











