--Ads--

Nababahala si Senate Committee on Public Services Chairman Sen. Raffy Tulfo sa naitalang 1,555 road crash incidents ayon sa Department of Health (DOH) Online National Electronic Injury Surveillance System (ONEISS) ngayong Semana Santa mula Marso 29 hanggang Abril 5.

Batay rin sa datos ng DOH, tumaas ng 255.8% ang mga kaso ng drunk driving kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Binigyang-diin ni Tulfo na nangyari ito sa kabila ng kanyang paulit-ulit na panawagan sa Philippine National Police (PNP), Land Transportation Office (LTO), at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga nakaraang pagdinig ng kanyang komite, hinggil sa kahalagahan ng paggamit ng de-kalidad at maayos na breath analyzers ng mga law enforcement agencies, lalo na ng pulisya.

Matatandaang kinuwestiyon ni Tulfo ang PNP sa budget hearing noong Nobyembre 17, 2023 kung bakit 17 breathalyzer units lamang ang hawak nila, sa kabila ng P330 milyong pondong inilaan ng gobyerno noong 2020 para sa pagbili ng naturang kagamitan kasama ang mga speed gun, isang pahayag na itinanggi ng PNP na may natanggap sila.

--Ads--

Sa isinagawang imbestigasyon, lumabas na dalawang beses bumili ang LTO ng breathalyzers mula sa supplier na 3R Metalcraft noong 2015 at 2016. Ayon naman sa dating LTO chief na si Vigor Mendoza II, nasa 500 sa mga ito ang sira at hindi na maaaring maayos.

Dagdag pa rito, napaulat na nagsara agad ang naturang kumpanya matapos mabenta sa gobyerno ang mga breathalyzer units.