Pinangunahan ni Pope Leo XIV ang tradisyunal na Via Crucis (Way of the Cross) procession sa Rome, Italy. Ginanap ang nasabing prusisyon sa mismong Colosseum, isa sa pinakatanyag na makasaysayang lugar sa lungsod, kung saan libo-libong mga mananampalataya ang nakiisa upang magnilay at makiisa sa paggunita ng Mahal na Araw.
Ang makasaysayang aktibidad ay nagbigay-diin sa pananampalataya at pagninilay ng mga Katoliko sa buong mundo, lalo na sa panahon ng Semana Santa.
Si Pope Leo XIV ang naging ikalawang Santo Papa na nagbuhat ng Krus sa buong Via Crucis (Way of the Cross) noong Biyernes Santo sa Colosseum sa Rome, Italy.
Tinatayang 30,000 katao ang nakibahagi sa prusisyon, habang milyon-milyon pa ang nakasubaybay sa pamamagitan ng social media, telebisyon, at radyo. Sa gitna ng kandilang nagbigay-liwanag sa sinaunang gusali ng Roma — na minsang naging saksi sa pagkamartir ng mga unang Kristiyano — pinangunahan ng Santo Papa ang taimtim na pagninilay.
Sa kanyang ginawa, sinundan ni Pope Leo XIV ang yapak ni Pope St. John Paul II, na nagbuhat din ng Krus sa buong Via Crucis mula 1980 hanggang 1994.











