
CAUAYAN CITY – Binigyang diin ng Public Order and Safety Division o POSD na ipinagbabawal ang pagbibilad ng mga palay at mais sa mga National at Provincial Highway.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Public Order and Safety Division o POSD Chief Pilarito Mallillin na mayroon nang kautusan ang pamahalaang Panlalawigan na bawal magbilad sa mga lansangan ngunit para sa humanitarian reason ay pinayagang magbilad ang mga maliliit na magsasaka sa mga gilid ng mga barangay Road ngunit hindi buong lane kundi kalahati lamang ng isang lane ang maari nilang pagbilaran.
Ang mga magbibilad ay hindi maglalagay ng kanilang harang sa kanilang mga ibinilad.
Nakiusap din siya sa mga motorista na kung mayroong mga nakabilad na palay o mais sa mga barangay road ay magdahan-dahan sa pagbagtas ng daan upang hindi kumalat ang mga ibinilad na palay.
Ayon kay POSD Chief Mallillin Karamihan anya ng mga nagbibilad sa mga National Highway ay mga traders na maari nilang samsamin at dalhin sa Department of agriculture.
Mahigpit aniya nilang ipagbabawal ang pagbibilad sa mga national highways ngunit bibigyang prayoridad ang mga magsasaka na makapagbilad sa mga barangay road.










