CAUAYAN CITY – Ipinapatupad na ng mga kawani ng Public Order and Safety Division o POSD ang mga bagong guidelines sa mga batas trapiko.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, sinabi niya na ngayon ay may ilang mga nabago sa mga guidelines ng batas trapiko katulad ng pagbabawal sa mga traffic enforcers na mangumpiska ng mga lisensya at pagtatanggal ng plaka ng mga motor at mga sasakyan.
Aniya, napagkasunduan ito ng Land Transportation Officers at Public Order and Safety Division dahil ang pagtatanggal umano ng mga plaka ng mga sasakyan ay isang paglabag sa batas trapiko.
Gayunman ay mahigpit pa rin ang paghuli nila sa mga tsuper at drivers na nagmamaneho na walang lisensiya gayundin sa mga nagmamaneho na gumagamit ng ibang lisensya.
Ang mga kaukulang multa ay nakadepende sa nagawang paglabag katulad na lamang ng pagmamaneho ng walang lisensya na magbabayad ng 1,500 pesos, ang hindi naman rehistrado ay 3,500 pesos habang ang walang hawak na mga dokumento ay 15,000 pesos at deretso sa impound area ang kanilang mga sasakyan.