--Ads--

Mahigpit na binabantayan ng Public Order and Safety Division (POSD) ang isinasagawang Chinese Carol ng isang Chinese School sa Lungsod ng Cauayan bilang bahagi ng pagdiriwang ng Chinese New Year.

Sa panayam Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, sinabi niya na noong nakaraang linggo pa lamang ay sinimulan na nila ang pag-monitor sa aktibidad lalo na sa mga pangunahing kalsada na dinaraanan ng mga estudyante at guro.

Aniya, layunin nilang masiguro ang kaayusan at kaligtasan ng publiko partikular ang mga motorista at residente habang isinasagawa ang tradisyunal na paglilibot ng mga estudyante tuwing Chinese New Year.

Nakikipag-unayan din ang POSD sa iba pang ahensya ng pamalahaan upang maayos na maipatupad ang traffic management at maiwasan ang anumang aberya o aksidente sa kalsada habang isinasagawa ang aktibidad.

--Ads--

Samantala, sa panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Patrick Saddul, Guro sa Nan Sing School sa Lungsod ng Cauayan, ibinahagi nito na ang kanilang pag-iikot sa mga munisipalidad sa Lalawigan ay nagsimula pa noong ika-siyam ng Pebrero upang magsagawa ng Chinese Carol na taunang isinasagawa ng kanilang paaralan bilang paghahanda sa Chinese New Year.

Ngayong araw ay nagtungo sila sa bayan ng Reina Mercedes at City of Ilagan kasama ang mahigit kumulang apatnapung estudyante na nakilahok sa naturang aktibidad.

Ayon kay Saddul, ang mga ganitong aktibidad ay isinasagawa sa paniniwalang naitataboy nito ang mga bad spirits, at nakakapag-hikayat ng swerte, kasaganaan at magandang kapalaran sa komunidad na kanilang binibisita.

Bukod sa pagpapakita ng kultura ng mga chinese ay layunin din ng aktibidad na maipakilala sa publiko ang kanilang tradisyon at mapalalim ang pag-unawa ng komunidad sa kanilang pinagmulan.