--Ads--

CAUAYAN CITY – Pinaghahandaan na ng pamahalaang panlungsod ng Cauayan ang isasagawang evaluation upang muling makamit ang Seal of Good Local Governance o SGLG.

Sa darating na ika-25 hanggang 26 ngayong hunyo ay isasagawa na ang evaluation kung saan inaasahan ang evaluating team na susuri sa Cauayan ay magmumula sa lungsod ng Ilagan.

Dahil dito ay nagkaroon ng pagpupulong ang Public Order and Safety Division (POSD), DILG, at mga punong barangay upang pag-usapan ang road clearing.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, sinabi niya na dahil walang nakaaalam kung anong barangay ang bibisitahin ng evaluating team ay kailangang maabisuhan ang animnaput limang barangay na panatilihin ang kaayusan sa kanilang nasasakupan.

--Ads--

Muling naglibot ang mga kasapi ng POSD para sa road clearing, tinanggal ang mga obstruction tulad na ng mga basketball ring sa daan, nakatambak na buhangin at mga abandonadong sasakyan na iniwan sa gilid ng kalsada.

Bukod dito ay pinayuhan nila ang mga residente na bawal manigarilyo at magtanggal ng damit lalo na sa mga pampublikong lugar upang ipakita na disiplinado ang mga residente sa Cauayan.

Ito ay upang makamit muli ang rating na 99.25 percent na nagpapakita ng maayos at magandang komunidad.