Nagbabala ang hanay ng Public Order and Safety Division (POSD) sa mga may-ari ng construction site sa Lungsod ng Cauayan na naglalagay ng buhangin at graba sa gilid ng kalsada na nagdudulot ng pagsikip ng daloy ng trapiko at panganib sa mga motorista at pedestrian.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, sinabi niya na hindi dapat nilalagay sa gilid ng daan ang mga construction materials lalo kung nasasakop na nito ang halos kalahati ng kalsada.
Aniya, nagiging sagabal ito sa maayos na daloy ng sasakyan at maaaring magdulot ng aksidente lalo na kung walang nilalagay na safety barrier o warning signs.
Ang kawalan aniya ng safety barrier sa mga construction site ay maaaring magdulot ng disgrasya lalo na sa gabi o sa oras na mababa ang visibility.
Binigyang-diin nito na hindi dapat nilalagay sa gilid ng daan ang mga graba at buhangin dahil nagiging delikado ito sa mga dumadaan.
Ayon kay Mallillin, mahigpit na ipinagbabawal ng kanilang tanggapan ang ganitong gawain at nilinaw na hindi ito ang unang pagkakataon na mayroong mga naitalang paglabag.
Patuloy aniya ang kanilang paalala at pagbabantay upang matiyak ang kaligtasan at kaayusan sa lansangan.
Nanawagan naman siya sa mga kontraktor at may-ari ng mga construction site na sumunod sa mga umiiral na patakaran, ilagay sa tamang lugar ang mga materyales, maglagay ng safety barrier at warning signs upang maiwasan ang aksident at mapanatili ang maayos na daloy ng trapiko sa lungsod.











