--Ads--

Asahan na ng mga motorista ang ipatutupad na dagdag-bawas sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo, ayon sa Department of Energy–Oil Industry Management Bureau (DOE-OIMB) nitong Biyernes.

Batay sa trading noong Huwebes sa Mean of Platts Singapore (MOPS), sinabi ni DOE-OIMB Assistant Director Rodela Romero na inaasahan ang mga sumusunod na pagbabago sa presyo ng mga produktong petrolyo.

Sa produktong gasolina, tinatayang bababa ng humigit-kumulang ₱0.10 kada litro, sa diesel ay tinatayang tataas ng humigit-kumulang ₱0.30 kada litro habang sa produktong kerosina naman ay tinatayang tataas ng humigit-kumulang ₱0.05 kada litro.

Nilinaw naman ni Romero na hindi pa kabilang sa mga pagtatayang ito ang operating cost ng mga kumpanya ng langis at iba pang premium.

--Ads--

Kabilang sa mga nakitang dahilan ng galaw sa presyo ng langis ang senyales ng pagluwag ng tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran, na nagbawas sa geopolitical risk premium sa pandaigdigang merkado.

Dagdag pa rito, ang pahayag umano ni US President Donald Trump na “seryoso” ang pakikipag-usap ng Iran sa Washington ay nagresulta sa pagbaba ng presyo ng langis ng hanggang $3 kada bariles.