Pinaiimbestigahan ni Senator Sherwin Gatchalian sa Department of Energy (DOE) ang buffer stocks ng mga oil company upang matukoy kung makatwiran ang agarang pagtaas ng presyo ng langis sa merkado.
Ito ay matapos magpatupad ng price increase ang ilang oil company kasunod ng tumitinding tensyon sa Middle East nitong nakaraang weekend.
Ayon kay Gatchalian, sa kanyang pagkakaalam ay mayroong hanggang 15 araw na buffer stock ang mga oil company.
Kung ang kasalukuyang ibinebenta sa merkado ay mula pa rin sa buffer stock, sinabi ng senador na hindi pa dapat nagkakaroon ng pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Dahil dito, hiniling ng mambabatas sa DOE na suriin kung may nagaganap na profiteering o kung ang mga lumang stock ng langis ang ibinebenta ngayon sa mas mataas na presyo.
Pinare-review din ni Gatchalian sa DOE ang mga shipment ng oil company na dumarating sa bansa, dahil may mga rekord ang ahensya na makatutulong upang malaman kung buffer stock pa rin ba o mga bagong dating na produktong petrolyo at gasolina ang kasalukuyang ibinebenta sa merkado.










