Nananatiling walang suplay ng kuryente ang ilang mga lugar sa Lambak ng Cagayan matapos manalasa ang Bagyong Uwan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Princess Santiago, Government Relations and Regional Affairs Lead Specialist ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), sinabi niya na mayroong 69kV transmission line ang nag-out sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyo.
Kabilang dito ang mga 69kV lines ng Santiago-Alicia, Bayombong, Santiago City-Aglipay, at Santiago-Cauayan.
Ito ay nakaapekto sa suplay ng kuryente sa mga lalawigan ng Ifugao, Nueva Vizcaya, Quirino, at ilang bahagi ng Isabela.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang ginagawang inspeksyon ng kanilang hanay upang matukoy ang iniwang pinsala ng bagyo sa linya ng kuryente ng NGCP.
Hindi pa matukoy ng ahensya kung kailan maibabalik ang suplay ng kuryente sa mga apektadong lugar.
Samantala, tuloy-tuloy ang ginagawang power restoration at isolation ng Isabela Electric Cooperative II (ISELCO II) matapos manalasa ang Bagyong Uwan sa Luzon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay District 1 Director Sherwin Balloga ng ISELCO II, sinabi niya na kasalukuyang isinasagawa ang restoration sa mga feeder na naapektuhan ng bagyo.
Naka-deploy na rin ang lahat ng tauhan ng ISELCO II para sa power restoration, habang isinasagawa ang isolation sa mga binahang lugar sa kanilang service area.
Layunin ng ginagawang isolation na maiwasan ang disgrasya o pagkakuryente dulot ng mataas na antas ng tubig-baha.
Aniya, may ilang barangay na naibalik na ang suplay ng kuryente, kabilang ang mga distrito na hindi nakaranas ng problema sa linya sa kabila ng pananalasa ng bagyo.
Aminado rin siya na pahirapan ang isinasagawang restoration sa mga binabahang lugar dahil kailangan pa nilang magsagawa ng assessment. Gayunpaman, puspusan at sinisikap nilang maibalik ang suplay ng kuryente ngayong araw hanggang mamayang gabi sa mga pangunahing linya ng kuryente.









