Nagsimula na ang deployment ng Philippine Red Cross o PRC sa Santiago City kaugnay ng isasagawang Cagayan Valley Regional Athletic Association o CAVRAA upang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga atleta at kalahok.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Nurse Gilbert Pailma, Service Representative ng PRC Santiago City Chapter, sinabi niya na sumailalim sa skills enhancement training ang kanilang mga volunteer at personnel bilang paghahanda sa kanilang operasyon sa naturang kompetisyon.
Ayon sa kanya, tatlong pangunahing areas ang saklaw ng deployment ng PRC, kung saan bawat isa ay may itinalagang team leader na mangangasiwa sa operasyon.
Sa kabuuan, may anim na team leaders at dalawampu’t apat na personnel at volunteers ang kasalukuyang nakadeploy para sa nasabing event.
Binigyang-diin din niya ang mga panganib sa kalusugan dulot ng matinding init ng panahon, kabilang ang dehydration at heat exhaustion na karaniwang nararanasan sa mga outdoor sporting events.
Dagdag pa niya, nakaantabay ang PRC upang agad na rumesponde sa mga ganitong insidente at maiwasan ang paglala ng kondisyon ng mga apektadong indibidwal.











