--Ads--

CAUAYAN CITY- Nananawagan ang Professional Regulation Commission (PRC) Cauayan na agad magtungo sa kanilang tanggapan kung mayroong biktima ng panloloko mula sa mga nagpapanggap na propesyonal.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jesalee Saranay, supervising professional Regulations Officer ng PRC Cauayan, sinabi niya na mayroon nang kaso ng pambibiktima sa isang residente sa Cauayan City kung saan ay nagpapanggap umanong propesyonal na inhenyero o engineer ang isang lalaki na tumanggap ng kontratahang proyekto saka ito umalis.

Ito naman aniya ang unang beses na makapagtala ng nasabing kaso ang kanilang tanggapan sa loob ng 4 na buwan nilang pagse-serbisyo sa Lungsod.

Kahit pa man aniya walang legal counsel ang tanggapan ay handa naman silang makinig sa mga concern ng mga residente upang maiparating agad ito sa kinauukulan.

--Ads--

Batay sa pagsisiyasat ng kanilang tanggapan, napag-alaman na ang nagpanggap na inhinyero ay walang record sa kahit anong propesyon at wala itong anumang lisensyang pinanghahawakan.

Kaugnay nito ay pinag-iingat ng ahensya ang mamamayan sa posibleng paglaganap ng mga mapagpanggap na indibidwal.