Nagsagawa ng Pre-Disaster Risk Assessment (PDRA) ang Cagayan Valley Disaster Risk Reduction and Management Council (DRRMC) kahapon, Nobyembre 3, 2025, kaugnay ng banta ng Bagyong Tino.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Michael Cañero, Designated Head ng BGD Command Center, kahit hindi direktang tatama ang bagyo sa Cauayan City, kinakailangan pa ring maghanda dahil kabilang ang lalawigan sa inilabas na yellow rainfall warning kahapon.
Ang yellow rainfall warning ay isang abiso mula sa PAGASA na nagsasaad na posibleng makaranas ng 15–30 millimeters na pag-ulan sa loob ng isang oras o 45 millimeters sa loob ng tatlong oras. Ipinapahiwatig nito na may posibilidad ng pagbaha sa mabababang lugar, kaya mahalaga ang maagang pag-iingat, pagmamanman sa lebel ng tubig, at pakikinig sa mga opisyal na anunsyo.
Dagdag pa ni Cañero, sakop pa rin ang probinsya ng windband ng bagyo, dahilan upang posibleng makaranas ng malalakas na pag-ulan at pagbugso ng hangin.
Sa ngayon, passable pa ang lahat ng tulay sa lungsod, ngunit binalaan niya ang publiko na maging mapagmatyag dahil maaari umanong tumaas ang lebel ng tubig sakaling magtuloy-tuloy ang pag-ulan na maaaring magdulot ng pagbaha.
Samantala, batay sa monitoring, ngayong araw ay nasa 99% ang tsansa ng pag-ulan, habang 50% naman bukas, Nobyembre 5, 2025.








