Ikinuwento ni Precious Lara Quigaman ang “very dark moment” ng buhay niya ukol sa pag-ibig.
Si Lara ay kinoronahang Miss International 2005 at pinasok ang pag-aartista.
Ikinasal siya kay Marco Alcaraz noong 2011 at kasalukuyan naninirahan ang kanilang pamilya sa Canada.
Pero bago ang kanyang masayang buhay pag-ibig, nagkaroon muna noon ng relasyon si Lara na naging abusive.
Tumagal daw ito ng tatlong taon.
Sa taon ng kanyang pagkapanalo bilang Miss International, nagkaroon siya ng showbiz career at love life.
Ironically, iyon daw ang “lowest point” ng buhay niya.
Masaya raw siya sa harap ng camera, pero “hindi okay” kapag wala nang camera.
Bukod sa sobrang lugmok ni Lara, pakiramdam daw niya ay kasalanan niya ang kanyang kinalalagyan.
Hindi raw niya ito ipinaalam sa ina na noon ay naninirahan sa Canada.
Nagagalit na raw sa kanya ang mga kaibigan na nakakaalam sa kanyang sitwasyon.
Kuwento ni Lara, mayroon naman daw siyang relasyon sa Diyos noon subalit pakiramdam daw niya ay hindi pinapakinggan ang kanyang dasal.
Hanggang sa biglang dumating ang kanyang ina na tinulungan siyang ayusin ang kanyang buhay.





