--Ads--

Sinimulan na ng House Committee on Justice ang pagdinig sa apat na impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte upang matukoy kung ito ay sapat sa porma at nilalaman.

Ang mga reklamo ay inendorso ng iba’t ibang kinatawan kabilang sina Antonio Tinio (ACT Teachers), Renee Co (Kabataan), Sarah Jane Elago (Gabriela), Leila de Lima (ML), Perci Cendaña (Akbayan), Paolo Ortega V (La Union 1st district) at Benny Abante Jr. (Manila 6th district).

Bibigyan din aniya ng pagkakataon ang Bise Presidente na sagutin ang mga akusasyon laban sa kaniya sakaling makitaan ng sufficiency in form at sufficiency in substance ang mga reklamo.

Nakadepende naman na aniya sa Pangalawang Pangulo kung dadalo siya sa proceedings.

--Ads--

Tiniyak ng mambabatas na ipapatupad ng Justice Committee ang lahat ng relevant rules sa impeachment gaya ng ipinairal sa nagdaang impeachment proceedings kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sa pagtukoy kung sufficient in substance ang mga reklamong impeachment, tiniyak ni Rep. Ridon na kanilang hihimayin lahat ng alegasyong ibinabato laban sa Bise Presidente kabilang ang betrayal of public trust, culpable violation of the Constitution, graft and corruption, isyu sa confidential funds, death threats kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez, usapin ng State of Assets, Liabilities and Network (SALN) gayundin ang pinakabagong batayan para sa impeachment ng Bise Presidente, ang sworn affidavit ni Ramil Madriaga, na nagpakilalang bagman umano ng Bise Presidente.

Samantala, ayon kay Rep. Ridon, maaaring ipatawag si Madriaga sa formal hearings ng impeahment complaint laban sa Bise Presidente.

Nilinaw din ng mambabatas na sa ngayon ang korte at ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Bicutan, Taguig City, kung saan nakadetine si Madriaga, ang may hurisdiksiyon sa kaniyang seguridad.

Sakali man aniyang ipapatawag si Madriaga para humarap sa proceedings ng Justice Committee, makikipag-ugnayan ang Mababang Kapulungan ng Kongreso sa BJMP at korte para matiyak ang kaligtasan ni Madriaga at makadalo sa proceedings.

Hindi naman aniya maaapektuhan ang impeachment proceedings kahit naka-session break ang Kongreso simula sa Marso 18 dahil hindi nakasabay sa legislative calendar ang impeachment proceedings kayat maaari pa rin itong magtuloy.