Nagsimula na ang mga preparasyon para sa Miss Tourism Philippines 2025 na gaganapin sa oras na alas-7:00 mamayang gabi, sa F.L. Dy Coliseum.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong David Reyes, graphic designer ng event, sinabi niyang noong nakaraang linggo pa nila sinigurado na maayos ang lahat ng kagamitan na gagamitin sa pageant. Mula sa mga speaker, ilaw, hanggang sa iba pang teknikal na gamit, isa-isa nilang sinuri upang matiyak na walang magiging aberya sa mismong coronation night.
Dagdag pa ni Reyes, nakahanda rin umano ang kanilang mga back-up equipment at genset sakaling magkaroon ng problema sa kuryente o anumang teknikal na isyu.
Aniya, ito ang kauna-unahang national pageant na kanilang hahawakan kaya’t magkahalong kaba at excitement ang kanilang nararamdaman habang papalapit ang malaking event.
Samantala, isinagawa ang technical run kaninang ala-una ng madaling araw kasama ang mga kandidata, at muli itong uulitin mamayang alas-9:00 ng umaga para sa final tech run bago ang grand coronation night.
Ang Miss Tourism Philippines 2025 ay isa sa mga inaabangang pageant ng taon na naglalayong itampok ang ganda, talino, at turismo ng bawat rehiyon sa bansa.











