--Ads--

Ramdam na ng mga tsuper ng pampasaherong sasakyan ang epekto ng sampung linggong sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Solero Silaran Jr., isang tricycle driver at presidente ng kanilang TODA, napipilitan ang ilang tsuper na gumamit ng mas mababang kalidad ng gasolina upang makatipid sa araw-araw na biyahe. Sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at sa hindi pagtaas ng pamasahe, kinakailangan nilang humanap ng paraan upang masiguro na may maiuwing kita para sa kanilang pamilya.

Dagdag pa niya, mas ramdam ang epekto ng pagtaas ng presyo sa mga tricycle driver na umaasa lamang sa arawang kita. Kapag mataas ang presyo ng gasolina, malaking bahagi ng kanilang kinikita ang napupunta lamang sa panggatong, kaya halos wala nang natitira para sa iba pang pang-araw-araw na gastusin.

Gayunpaman, aminado si Silaran na may pangamba ang ilang tsuper sa paggamit ng mas murang gasolina dahil maaari itong makaapekto sa performance at kondisyon ng kanilang mga sasakyan sa katagalan.

--Ads--