Inaasahan ng maraming tsuper at operator ng pampublikong transportasyon na lalo pang lalaki ang kanilang gastusin dahil sa tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Ginoong Mody Floranda, Presidente ng PISTON, sinabi niya na matagumpay man ang transport strike noong nakaraang linggo, nasa pamahalaan pa rin ang desisyon kung paano masosolusyunan ang lumalalang krisis.
Bunsod ng lingguhang pagtaas ng presyo ng petrolyo, inaasahan nilang mas maraming tsuper ang titigil sa pamamasada dahil hindi na nila kayang tustusan ang gastusin sa krudo. Doble rin ang epekto sa sektor ng transportasyon dahil hindi pinapayagan ng pamahalaan ang pagtaas ng pamasahe, kaya pantawid-gutom na lamang ang natitirang kita ng maraming tsuper sa araw-araw.
Giit ni Floranda, ang mga ayudang pangako ng pamahalaan ay hindi saklaw para sa lahat at hindi maituturing na ganap na solusyon. Aniya, ito ay pansamantalang band-aid solution lamang at hindi makakatugon sa pangmatagalang problema ng transport sector.











