Sumipa na sa ₱5–₱60 kada piraso ang pagtaas ng presyo ng ilang imported na prutas sa mga fruit stalls sa lungsod ng Cauayan ilang araw bago ang Kapaskuhan.
Habang ang mga prutas na nabibili naman kada kilo ay mayroon na ring pagtaas ng ₱10–₱30, tulad na lamang ng pakwan at melon.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan kay Janice Cabacungan, isang vendor, sinabi niya na pagsapit pa lamang ng Disyembre ay naobserbahan na ang pagtaas ng presyo ng prutas.
Tumaas ng ₱5–₱10 ang mansanas na ngayon ay nagkakahalaga na ng ₱15–₱45 ang red apple; ang green apple ay ₱45 kada piraso; ang peras ₱40 kada piraso; kiwi ₱45 kada piraso; habang ang pinya naman ang may pinakamataas na pagtaas ng presyo na ngayon ay ₱130 mula sa dating ₱70.
Tumaas din ang presyo ng mga prutas na nabibili kada kilo: ang kiat-kiat ay ₱220/kg mula sa dating ₱200; melon ₱90/kg mula sa dating ₱70; dragon fruit ₱350/kg mula sa dating ₱250; at pakwan ₱80/kg mula sa dating ₱50.
Aniya, ang pagtaas ng presyo ay normal lamang na nararanasan tuwing Pasko at Bagong Taon, ngunit sisikapin naman ng mga nagtitinda ng prutas na manatiling abot-kaya ang presyo upang makabili pa rin ang mamamayan.
Samantala, tiniyak din ng ilang fruit vendors na magiging sapat ang supply ng prutas hanggang sa pagsalubong ng Bagong Taon.
Sa ngayon ay hindi pa umano ramdam sa lungsod ng Cauayan ang pagdagsa ng mga mamimili, subalit tiyak na sasapat ang supply ng mga imported na prutas.





