--Ads--

CAUAYAN CITY  – Patuloy ang contact tracing ng Municipal Health Office (MHO) ng Luna, Isabela sa mga nakasalamuha ng isang principal na nagpositibo sa Coronavirus Disease (COVID-19).

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Jaime Atayde ng Luna, sinabi niya na batay sa paunang pagsusuri sa ilang nakasalamuha ng punong guro ay nasa lima na ang mga positibong nahawaan nito na kinabibilangan ng kanyang mga kamag-anak at kaibigan.

Nakapagtala rin ng bagong nagpositibo sa COVID-19 ang bayan ng Luna na sinasabing second degree contact ng naturang pasyente.

Nasa Southern Isabela Medical Center (SIMC) sa Lunsod ng Santiago  ang principal at dalawa pang senior citizen na nahawaan nito habang nasa isolation facility ng LGU ang tatlo pang nagpositibo sa COVID 19.

--Ads--

Maliban sa mga direct contact ng pasyente ay nasa strict home quarantine ang mga guro ng paaralan na pinamumunuan ng principal.

Batay sa naisagawang pagsusuri sa mga guro ay wala namang nagpositibo sa mga kanila.

Samantala, inihayag ni Mayor Ataide na may dalawang travel history ang tinitingnan nila na posibleng nakahawa sa principal.

Kabilang dito ang pagtungo ng punong guro sa Schools Division Office (SDO) Isabela sa Lunsod ng Ilagan sa mga nagdaang araw at ang pagtungo sa pamilihang Lungsod ng Cauayan.

Sa kabila ng mga naitatalang bagong kaso ng COVID-19 sa Luna, Isabela ay kontrolado ang COVID-19 situation sa naturang bayan.