--Ads--

CAUAYAN CITY- Nagsasagawa na ngayon ang Police Regional Office 2 (PRO2) ng masusing imbestigasyon kaugnay sa insidenteng kinasasangkutan ng dalawang empleyado ng Land Transportation Office (LTO) na inakusahan ng unjust vexation, slight physical injury, at paglabag sa Republic Act 7610, ang batas na nagpoprotekta sa mga bata laban sa pang-aabuso, pagsasamantala, at diskriminasyon.

Ang insidente ay naganap dakong 8:57 ng gabi noong Hunyo 4, 2025, sa Pulsar Hotel, Barangay Caggay, Tuguegarao City.


Batay sa paunang ulat, kabilang sa mga biktima ang isang 20-anyos na mang-aawit na itinago sa pangalang Vanessa, isang 15-anyos na menor de edad na si Rey, at isang 20-anyos na si Topher habang ang mga sangkot ay si Assistant Regional Director Manuel Baricaua at Chief Enforcer Charles Ursulum.

Ayon sa imbestigasyon, habang nagkakasiyahan ang grupo , lumapit si ARD Baricau at Ursulum kay Vanessa at umano’y hinipo ito sa baywang habang umaawit, dahilan upang ito ay lumayo.

--Ads--

Ilang sandali pa, tinawag umano ng mga suspek si Vanessa at sinabing, “Tabihan mo si Regional Director”, ngunit tumanggi ito. Nang sumabat ang kanyang ina, si Marry, iginiit pa rin nila ang kahilingan, subalit muling tumanggi ang ina.

Sa puntong ito, lumapit sina Baricaua at Ursulum kina Rey at Topher saka sinampal umano sila nang walang dahilan. Bukod dito, sinipa pa umano ni Ursulum si Topher sa dibdib. Sa takot, hindi gumanti ang mga biktima at bumalik na lamang sa kanilang upuan. Nang subukang awatin ni Marry ang gulo, hinatak umano ni Baricaua ang kanyang buhok.


Matapos ang insidente, agad na humingi ng legal na tulong ang mga biktima at isinampa ang reklamo sa tulong ng kanilang abogado. Kasama sa kanilang ebidensya ang medico-legal report.

Noong Hunyo 13, 2025, naisampa na ang pormal na reklamo sa City Prosecutor’s Office, na nakatakdang iendorso sa Office of the Prosecutor sa Hunyo 16, 2025. Sa kasalukuyan, patuloy ang imbestigasyon at koordinasyon ng mga awtoridad sa mga biktima.


Mariing kinondena ni Regional Director BGen.Anotnio Marallag Jr. ang insidente at tiniyak ang patas at masusing imbestigasyon.

“Hindi natin pinapayagan ang anumang uri ng pang-aabuso, lalo na laban sa kababaihan at kabataan. Sisiguraduhin natin na ang hustisya ay maipagkakaloob sa mga biktima, at pananagutin ang mga may sala,” ani PBGen. Marallag, Jr.

Bukod dito, inatasan din niya ang kapulisan na magbigay ng tulong at suporta sa mga biktima, habang tiniyak na hindi maaapektuhan ang integridad ng imbestigasyon.


Hinimok din ng direktor ang publiko na agad iulat ang anumang insidente ng pang-aabuso o hindi kanais-nais na asal. “Kikilos tayo nang mabilis at patas upang maprotektahan ang mga mamamayan,” dagdag pa niya.