--Ads--

Nagsasagawa na ngayon ang Police Regional Office 2 (PRO2) ng masusing imbestigasyon kaugnay sa insidenteng kinasasangkutan ng dalawang empleyado ng Land Transportation Office (LTO) na inakusahan ng unjust vexation, slight physical injury, at paglabag sa Republic Act 7610, ang batas na nagpoprotekta sa mga bata laban sa pang-aabuso, pagsasamantala, at diskriminasyon.

Ang insidente ay naganap dakong 8:57 ng gabi noong Hunyo 4, 2025, sa Pulsar Hotel, Barangay Caggay, Tuguegarao City.

Batay sa paunang ulat, kabilang sa mga biktima ang isang 20-anyos na singer na itinago sa pangalang Vanessa, isang 15-anyos na menor de edad na si Rey, at isang 20-anyos na si Topher habang ang mga sangkot ay si Assistant Regional Director Manuel Baricaua at Chief Enforcer Charles Ursulum.

Ayon sa imbestigasyon, habang nagkakasiyahan ang grupo ay lumapit si ARD Baricaua at Ursulum kay Vanessa at umano’y hinipo ito sa baywang habang umaawit, dahilan upang ito ay lumayo.

--Ads--

Ilang sandali pa, tinawag umano ng mga suspek si Vanessa at sinabing, tabihan ang Regional Director ngunit tumanggi ito. Nang sumabat ang kanyang ina ay iginiit pa rin nila ang kahilingan, subalit muling tumanggi ang ina ng singer.

Sa puntong ito, lumapit sina Baricaua at Ursulum kina Rey at Topher saka sinampal umano sila nang walang dahilan. Bukod dito, sinipa pa umano ni Ursulum si Topher sa dibdib. Sa takot, hindi gumanti ang mga biktima at bumalik na lamang sa kanilang upuan. Nang subukang awatin ni Marry ang gulo, hinatak umano ni Baricaua ang kanyang buhok.

Matapos ang insidente, agad na humingi ng legal na tulong ang mga biktima at isinampa ang reklamo sa tulong ng kanilang abogado. Kasama sa kanilang ebidensya ang medico-legal report.

Noong Hunyo 13, 2025, naisampa na ang pormal na reklamo sa City Prosecutor’s Office, na nakatakdang iendorso sa Office of the Prosecutor bukas. Sa kasalukuyan, patuloy ang imbestigasyon at koordinasyon ng mga awtoridad sa mga biktima.

Mariin namang kinondena ni Regional Director BGen. Antonio Marallag Jr. ang insidente at tiniyak ang patas at masusing imbestigasyon.

Bukod dito, inatasan din niya ang kapulisan na magbigay ng tulong at suporta sa mga biktima, habang tiniyak na hindi maaapektuhan ang integridad ng imbestigasyon.