Kumpiyansa ang prosecution team sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte na nabuo na ang tinawag nilang “bigger picture” kaugnay ng umano’y planong pagpatay kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., batay sa testimonya ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag.
Ayon kina prosecution team legal spokesman Atty. Benjamin Tolosa Jr. at Deputy Speaker Paolo Ortega, ipinakita umano ng testimonya ni Matibag na hindi simpleng viral video lamang ang mga naging pahayag ni Duterte kundi isang seryosong banta na kanilang iniimbestigahan.
Sinabi ni Tolosa na naging malinaw umano sa NBI na may aktibong banta laban sa Pangulo at sa kanyang pamilya, batay sa mga pahayag na iniuugnay kay Duterte at sa mga taong nakapaligid dito.
Matatandaang sa isang press conference noong Nobyembre 23, 2024, sinabi ni Duterte na mayroon na umano siyang nakausap na tao na papatay kina Pangulong Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez sakaling may mangyari sa kanya.
Bukod dito, iniharap din sa impeachment court ang mga naunang pahayag ni Duterte kung saan binanggit umano nito ang pagpugot ng ulo, gayundin ang naging pahayag ng kanyang kapatid na si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte na nagsabing “isang ulo lang ang gusto namin, ang ulo ni Marcos.”
Ayon naman kay Ortega, nabuo na umano ang kabuuang larawan ng mga alegasyon matapos pag-ugnayin ang iba’t ibang pahayag at pangyayari na iniharap sa impeachment court.
Aniya, nakaaalarma ang mga paulit-ulit na salitang may kaugnayan sa karahasan na lumitaw sa mga pahayag ng kampo ng mga Duterte, kabilang ang mga katagang “ulo,” “pugot,” “libing,” “hukay,” “bloodbath,” at “dugo.”
Dahil dito, iginiit ng prosecution na lalong humina ang argumento ng depensa na isa lamang “conditional threat” ang mga naging pahayag ng Bise Presidente.
Ayon kay Ortega, nananatili ang kanilang paniniwala na isang aktibong banta ang mga naturang pahayag at hindi lamang isang kundisyonal o haka-hakang sitwasyon. Aniya, nasa taumbayan na rin ang paghusga batay sa mga ebidensyang inilalantad sa nagpapatuloy na impeachment trial.











