--Ads--

Hiniling ng House prosecution panel sa Senado na payagang makapagbigay ng testimonya si National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag sa Hulyo 14, mas maaga kaysa sa nakatakda nitong pagharap bilang saksi sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Sa ikaapat na araw ng paglilitis nitong Lunes, sinabi ni Iloilo Rep. Lorenz Defensor na nakatanggap sila ng liham mula kay Matibag na humihiling na maisingit agad ang kanyang testimonya dahil nakatakda siyang dumalo sa isang regional summit sa Thailand na inorganisa ng Federal Bureau of Investigation (FBI) katuwang ang Royal Thai Police.

Ayon kay Defensor, tatalakayin sa naturang summit ang usapin kaugnay ng scam center compounds at transnational organized crimes kaya’t hiniling ni Matibag na mauna siyang makapagtestigo matapos ang pagharap ni NBI-BARMM Regional Director Atty. Jeremy Lotoc.

Plano rin ng prosekusyon na ipagpatuloy ang presentasyon kay Office of the Vice President Chief-of-Staff Zuleika Lopez matapos ang testimonya ni Matibag.

--Ads--

Gayunman, umani ng pagtutol ang kahilingan mula sa ilang senador at kampo ng depensa. Iginiit ni Senator-judge Alan Peter Cayetano na maaaring magtakda ito ng hindi magandang precedent dahil maaaring maapektuhan ang iskedyul ng impeachment court sa kagustuhan ng isang saksi.

Tutol din ang defense panel sa kahilingan, na ayon kay abogado Mark Vinluan ay paglabag umano sa naunang direktiba ng impeachment court at sa itinakdang five-day notice rule para sa mga saksi.

Samantala, sinabi ni Senate Impeachment Court Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero na wala pang inilalabas na subpoena laban kay Matibag at hindi rin ito kabilang sa listahan ng mga saksing inihain ng prosekusyon para sa linggong ito.

Dahil dito, inatasan ni Escudero ang prosekusyon na magsumite ng kopya ng travel authority at opisyal na imbitasyon mula sa FBI na isinumite ni Matibag upang masuri ng impeachment court ang kanilang kahilingan.

Nakatakda namang magpasya ang impeachment court kung papayagan ang maagang pagharap ng NBI chief sa pagpapatuloy ng paglilitis laban kay Vice President Duterte.