Iginiit ng House prosecution panel na hindi tahasang ipinahayag ng kampo ni Vice President Sara Duterte ang kanyang kawalang-sala sa opening statement nito sa unang araw ng impeachment trial sa Senado.
Sa pahayag ni Kabataan Party-list Representative Renee Co, sinabi nitong kapansin-pansin na walang direktang deklarasyon ang depensa na inosente si Duterte sa mga paratang na nakasaad sa Articles of Impeachment.
Ayon kay Co, hindi rin tinalakay ng depensa ang artikulong may kaugnayan sa umano’y grave threats at inciting to sedition laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na siyang unang bibigyang-pansin ng prosekusyon sa paglalatag ng mga ebidensya.
Dagdag pa niya, mahalagang mapaghandaan ng kampo ng Bise Presidente ang usapin kaugnay ng kanyang mga naging pahayag noong Nobyembre 2024 na itinuturing na sentro ng Article IV ng impeachment complaint.
Samantala, sa opening statement ng depensa, hiniling ni lead counsel Atty. Sheila Sison sa impeachment court na pawalang-sala si Duterte, na aniya’y biktima ng umano’y paglabag sa itinakdang hangganan ng Konstitusyon.
Binigyang-diin din ni Sison na umiiral ang presumption of innocence at nasa prosekusyon ang pananagutang patunayan ang lahat ng paratang laban sa Bise Presidente.
Matatandaang inaprubahan ng House of Representatives of the Philippines ang impeachment complaint laban kay Duterte dahil sa mga alegasyon ng culpable violation of the Constitution, graft and corruption, bribery, betrayal of public trust, at iba pang matitinding paglabag sa batas.
Patuloy namang iginigiit ni Duterte na walang sapat na ebidensya laban sa kanya at nananatili siyang naninindigang saklaw ng kanyang karapatan sa malayang pagpapahayag ang mga naging pahayag na sentro ng isa sa mga artikulo ng impeachment complaint.











