--Ads--

CAUAYAN CITY – Nakapag-imprinta na ang Philippine Statistics Authority o PSA Isabela ng 422,004 na ePhilID.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Provincial Director Julius Emperador ng PSA Isabela na hanggang kahapon ay nakapamahagi na sila ng 258,325 o 61% ng 422,004 ng naiprint nilang ePhilID.

Aniya, nagtutungo na ang kanilang mga kawani sa mga barangay para mamahagi ng ePhilID.

Ayon kay Provincial Director Emperador, sa mga wala pang natatanggap na ePhilID ay maari ring magtungo sa mga registration center at ipakita lamang ang kanilang mga transaction slip at titingnan nila kung available na ito for printing.

--Ads--

Pagdating naman sa physical card na idinidistribute ng Philippine Postal Corporation ay nakapagbigay na sila ng 430,975 sa Isabela.

Payo niya sa mga hindi pa nakatanggap ng kanilang Physical ID na hintayin lamang ang Philippine Postal Corporation na magtutungo sa kanilang mga lugar.

Sa kabuuan ang nakapagparehistro na sa lalawigan ay 1,255,311 o 86% ng expected total registrants na 1,465,074 na mula sa limang taong gulang pataas.

Hinikayat niya ang mga hindi pa nakapagparehistro na magtungo lamang sa kanilang mga registration center dahil bukas ang mga ito ng Lunes hanggang Linggo.

Sa ngayon ay puntirya na rin nila ang mga paaralan para sa mga hindi pa nakapagparehistro na edad lima hanggang labinlima.

Pinayuhan naman ni Provincial Director Emperador ang mga nakawala ng kanilang ePhilID na magtungo lamang sa lugar kung saan sila nagparehistro at ipakita ang kanilang transaction slip number at ipiprint ng free ang kanilang ID.

Aalamin naman aniya nila kung bakit nawala ang kanilang ID.