CAUAYAN CITY – Nakiusap ang pamunuan ng Philippine Statistics Authority (PSA) Isabela na tigilan na ang diskriminasyon sa kanilang mga census enumerators matapos na kumalat na sila ang sanhi ng pagkalat ng COVID-19 virus sa lalawigan.
Dahil sa nasabing ulat ay bahagyang naantala ang pagkuha nila ng datos dahil hindi na basta pinapapasok sa isang bahay o compound ang mga census enumerator.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Provincial Director Julius Emperador ng PSA Isabela, sinabi niya na walang kinalaman ang pamunuan ng PSA sa paglaganap ng virus sa lalawigan dahil isa rin sa kanilang census enumerator ang nahawaan.
Paliwanag niya na ang census enumerator ay anak ng isang COVID-19 patient ngunit nasa maayos nang kalagayan, negatibo na sa kanyang ikalawang swab test ngunit sumasailalim pa rin sa quarantine.
Negatibo na rin ang resulta ng swab test ng mga naging direct contact niya sa barangay San Felipe, Lunsod ng Ilagan kaya wala nang dapat ikabahala ang publiko.
Ayon kay Provincial Director Emperador, mahigpit nilang sinusunod ang mga minimum health standards ng Department of Health (DOH).
Kumpleto sila sa PPEs, face mask at face shield kung sila ay nagbabahay-bahay para mangalap ng datos.
Samantala, nasa 95% na ng mga bayan sa Isabela ang natapos na ang census.
Ayon kay Provincial Director Emperador, bahagyang naantala ang pagpapatala ng mga enumerator sa Lunsod ng Cauayan, Lunsod ng Ilagan at mga bayan ng Alicia at San Manuel dahil sa naitatalang kaso ng COVID-19.
Gayunman aasahang matatapos na rin ang census sa mga nabanggit na lugar dahil patuloy muli ang kanilang mga census enumerator sa pag-iikot at inaasahang matatapos ito sa ika-16 ng Oktubre.
Batay sa nakalap na datos ng PSA Isabela, bahagyang tumaas ang populasyon ng Isabela Mayo 1, 2020 hanggang ngayong buwan ng Oktubre.