--Ads--

Pansamantalang itinigil ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang pagpi-print ng Philippine Identification System (PhilSys) o National ID cards.

Ipinaliwanag ni PSA Social Protection Use Cases Division Chief Ma. Fides Wilma Marquez sa pagdinig ng Senate Committee on Social Justice, Welfare and Rural Development noong Enero 28 na nahinto ang proseso dahil sa mga isyu sa card printing.

Ayon kay Marquez, kasalukuyang wala munang isinasagawang pag-imprenta ng mga ID at wala pa ring tiyak na petsa kung kailan ito muling ipagpapatuloy. Gayunpaman, tuloy pa rin ang pagpaparehistro para sa National ID.

Binanggit din ng PSA na umaabot na sa humigit-kumulang 90 milyong Pilipino ang nakapagparehistro at nakatanggap ng PhilSys number.

--Ads--

Dagdag pa ni Marquez, sapat na ang PhilSys number bilang patunay ng pagkakakilanlan ng isang tao dahil dumaan na ito sa biometric verification.

Para naman sa mga wala pang physical card, maaari pa ring makuha ang digital National ID sa pamamagitan ng eGovPH app.