Nagbabala ang mga eksperto sa cybersecurity tungkol sa paglaganap ng “ClickFix” scam, isang uri ng panlilinlang na ginagamit ng mga cybercriminal upang malagyan ng mapaminsalang software o malware ang mga computer ng kanilang mga biktima.
Karaniwang nagpapanggap ang mga salarin na lehitimong website na humihingi ng human verification o CAPTCHA upang matiyak na tunay na tao ang gumagamit.
Sa halip na karaniwang pagsusuri, inaatasan ang mga gumagamit na pindutin ang ilang kombinasyon ng mga key sa keyboard, kopyahin ang isang command at pindutin ang Enter, na maaaring magpatakbo ng mapaminsalang code sa kanilang computer.
Ayon kay Chris Fistonich, mananaliksik ng cybersecurity firm na Malwarebytes, isa ito sa mga pangunahing paraang ginagamit ngayon ng mga kriminal upang makapagpasok ng malware sa mga computer.
Dahil dito, pinapayuhan ang publiko na huwag basta-basta sumunod sa mga kahina-hinalang utos mula sa mga website, partikular ang mga humihiling na magpatakbo ng hindi kilalang command.
Pinayuhan din ang mga gumagamit na tiyaking may maaasahang security software ang kanilang mga device.
Kung nabiktima naman ng naturang panloloko, kailangang agad na makipag-ugnayan sa bangko kung may posibleng nakompromisong impormasyong pinansyal at palitan ang mga password ng kanilang mahahalagang account.






