
CAUAYAN CITY – Tinutugis ang isang CAFGU na bumaril at pumatay sa isang intelligence operative ng Dinapigue Police Station matapos ang mainitan nilang pagtatalo kagabi sa isang videoke bar sa Digumased Dinapigue, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt Clarence Labasan, hepe ng Dinapigue Police Station, kinilala niya ang napatay na tauhan na si PCpl Freddie Marcos, nakatalaga sa intelligence section at tubong Lasam, Cagayan at limang taon nang nakadestino sa Dinapigue Police Station.
Ayon kay PCapt. Labasan, lumabas sa kanilang imbestigasyon na si PCpl Marcos kasama si Patrolman Patrick Suyu ay pumunta sa videoke bar kung saan nag-iinuman ang grupo ng suspek na Jarwin Marticio, residente ng Dinapigue, Isabela.
Nagkaroon aniya ng maintang pagtatalo ang grupo ni Marticio at ni PCpl Marcos.
Lumabas sa videoke bar ang suspek at pagbalik ay mayroon nang dalang baril at pinaputukan ang pulis.
Isang bala ng 9mm pistol ang tumama sa dibdib ni PCpl. Marcos na naging sanhi ng kanyang kamatayan.
Sinabi ni PCapt Labasan na nakipag-ugnayan na siya sa commander ng CAFGU para tulungan sila sa pagkadakip ng suspek.










